MERALCO, TINIYAK ANG SAPAT NA SUPLAY NG KURYENTE SA PAPARATING NA TAG-INIT

Manila, Philippines – Tiniyak ng Manila Electric Company (MERALCO) na sapat ang suplay ng kuryente sa kanilang mga nasasakupan sa kabila ng paparating na panahon ng tag-init.

Ayon kay MERALCO Senior Vice President for Corporate Communications Joe Zaldarriaga, handa ang kumpanya na tugunan ang inaasahang pagtaas ng konsumo ng kuryente, depende sa mga papasok na suplay sa kanilang sistema.

Samantala, sinabi ni Froilan Savet, Senior Vice President at Head of Networks ng MERALCO, na batay sa forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), hindi inaasahang magiging matindi ang tag-init ngayong taon dahil sa umiiral na La Niña.

Dahil dito, inaasahang magpapatuloy ang mas malamig na panahon sa mga susunod na buwan na maaaring magresulta sa mas mababang demand sa paggamit ng kuryente. Patuloy rin umanong mino-monitor ng MERALCO ang lagay ng panahon at kondisyon ng suplay ng kuryente upang matiyak ang maaasahan at tuloy-tuloy na serbisyo sa kanilang mga customer.

Samantala may bawas-singil sa kuryente ngayong Enero na ₱0.16 kada kilowatt-hour (kWh). Para sa isang karaniwang tahanan na may 200 kWh na konsumo, katumbas ito ng humigit-kumulang ₱33 na bawas sa buwanang electric bill isang positibong panimula para sa taong 2026.

Share this