MGA EMPLOYER, HINIKAYAT NA PAYAGAN ANG PAG-ABSENT NG MGA EMPLEYADONG MAGPAPABAKUNA NG ANAK KONTRA TIGDAS

Manila, Philippines – Nag-abiso Department of Employment (DOLE) sa lahat ng mga employer sa bansa kasama na ang mga private-sector employers na pahintulutan ang kani-kanilang mga empleyado sa pag-absent sa trabaho sa petsa kung kailan naka-iskedyul ang Measles-Rubella vaccine sa kanilang lugar.

Bilang pagsuporta ito ng DOLE sa ginagawang Nationwide Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity ng Department of Health (DOH) na layong mabakunahan kontra tigdas ang mga batang 6-59 na buwang gulang.

Sa ilalim ng Labor Advisory No. 2 ng ahensya, bukod sa pag-absent sa mismong araw na naka-iskedyul ang anak ng empleyado para magpabakuna, maaari rin silang lumiban sa kasunod na araw kung magkaroon ng adverse effects o reaksyon ang bata pagkatapos bakunahan.

Nakasaad din sa Advisory na ang mga empleyado ay dapat may maipresentang katunayan na sila ay nagpabakuna ng anak. 

Kung ang isang kumpanya naman ay may sariling Immunization program na sakop ng kanilang Occupational Safety and Health Committee na bahagi ng kanilang Family welfare program maaari silang magtayo ng temporary vaccination posts sa loob ng kanilang establisyemento para sa kanilang mga empleyado.

Samantala, bago pa ang abiso ng DOLE una nang naglabas ng panghihikayat ang Civil Service Commission (CSC) sa mga employer sa kaparehong panawagan bilang suporta sa DOH.

Sa ngayon batay sa Kagawaran ng Kalusugan higit dalawang milyong bata na sa Mindanao ang nabakunahan kontra tigdas mula yan ng magsimula ang bakunahan doon noong January 19.

Nakatakda naman ang MRI Immunization sa Luzon at Visayas sa June 2026.

Share this