MANILA, PHILIPPINES – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na wala sa plano nila ang pagbili at paggamit ng mga expired ng bakuna kontra African Swine Fever (ASF).
Kasunod yan ng pangamba ng ilang grupo na baka gamitin daw ng ahensya ang nasa 150,000 doses ng ASF vaccine na matatandaang una ng dumating sa bansa at nag expired na noon pang March.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary at Spokesperson Arnel De Mesa wala pang binibiling bakuna ang gobyerno ng Pilipinas kontra ASF.
Kahit anong proseso rin daw ng pagbili sa naturang bakuna ay hindi pa rin daw napag-uusapan sa ngayon ng pamahalaan.
Kaya’y tiyak daw ng ahensya na walang magagamit o mabibiling expired ng bakuna.
Sa ngayon tanging emergency purchase lamang ng ASF vaccine na may 10,000 doses at may 2 years validity ang inaantay ng DA na ipinag-utos ni Agri-chief Francisco Tiu Laurel Jr.
Ilalaan ang mga naturang bakuna sa probinsya ng Batangas na kasalukuyan ngayong nakasailalim sa State of Calamity dahil sa naitalang outbreak ng sakit.
Kinabibilangan ng 8 Munisipyo at 1 Siyudad sa Batangas ang may mataas na kaso ng ASF.
Sa kabila nyan sabi ng DA, wala silang nakikitang kakulangan sa supply ng karne ng baboy sa mga pamilihan at walang pagtaas sa presyo nito.
Matatandaang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas kamakailan ang pagpasok ng ASF o AVAC vaccine sa bansa mula sa bansang Vietnam.
Sinigurado naman ng ahensya na tulong tulong ang Bureau of Plant and Industry (BAI), Bio security at iba pang ahensya ng pamahalaan para labanan ang pagkalat pa ng sakit sa mga lugar sa bansa.