MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA, APEKTADO RIN NG OIL PRICE HIKE

Manila, Philippines – Sa nagpapatuloy na pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa ngayong linggo na inaasahan pang magtatagal hangga’t hindi natatapos ang nararanasang sigalot sa Middle East.

Hindi na lang mga motorista ang apektado ng oil price hike kundi maging ang galaw din ng mga produktong agrikultura.

Bagama’t hindi pa masyadong danas ito lalo na sa presyo sa mga pangunahing bilihin.

Unti unti naman na itong nararamdaman ng mga magsasaka at mangingisda lalo na ang mga may makinarya at sasakyang pang-byahe ng kanilang mga produkto sa merkado.

Bilang tugon dito, tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na ngayong buwan ipapamahagi na ng ahensya ang fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng oil price hike.

Ang pondong gagamitin dito ay nagkakahalaga ng P100M, tig P50 million sa magsasaka at mangingisda, bukod pa sa karagdagang P50 million na inihahanda na rin ng DA.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary at Spokesperson Arnel De Mesa ang ipamamahaging subsidiya ay para lamang sa mga kwalipikadong benipisyaryo o yung mga naka register sa RSBSA at gumagamit lamang ng mga farm machinery o may mga sasakyang ginagamit.

Bukod sa P150 million na nakahanda ng i-release para sa fuel subsidy, tinitingnan ngayon ng DA ang posibilidad na maibalik sakanila ang unused fuel subsidy ng mga nagdaang taon na nakatakdang ibalik ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa treasury.

Ayon sa tagapagsalita ng DA, malaking bilang pa ng mga magsasaka at mangingisda ang masusuportahan ng naturang pondo kung maibabalik ito sakanila.

Sa ngayon inusisa na rin daw ni De Mesa kung maaari ring gamitin ang P10B na pondo sa ilalim naman ng Presidential Asisstance on Farmers and Fishers na nakalaan naman para sa calamity funds ng sektor na nakatakda pang gamitin sa 2nd at 3rd quarter ng taon.

Sa nauna nang abiso ng Department of Energy (DOE) pinapayagan ang mga magsasaka at mangingisda na gumamit ng mga drum at container sa pagbili nila ng gasolina.

Sa susunod na dalawang linggo ngayong buwan nakatakda na ring ibigay ang fuel subsidy sa mga magsasaka, habang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang magbibigay sa mga mangingisda sa anumang araw.

Samantala, sinabi naman ng DA na bagamat may ibibigay silang fuel subsidy, hindi ito nangangahulugang makokontrol nila ang nakaambang taas presyo sa mga pangunahing bilihin lalot kaakibat ng dagdag singil sa gasolina ang transportation cost din ng mga produktong pang-agrikultura.

Share this