Manila, Philippines – Sa kabila ng ilang kritisismo pa rin na natatanggap ng ‘Benteng bigas Meron Na!’ program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Department of Agriculture (DA).
Lalo na ang pag-kwestyon ng iilan na bakit isinama pa raw sa maaaring makabili ang mga magsasaka na tila insulto raw para sa mga ito.
Magtutuloy-tuloy pa rin daw ang bentahan ng mas murang bigas hanggang makabili ang nasa mahigit 60 milyong Pilipino sa bansa kabilang na ang mga mangingisda.
Inanunsyo ng ahensya na simula August 29, 2025, isasama na rin sa listahan ng mga Pilipinong maaaring makabili ng benteng bigas ang higit sa 2.2M na mga mangingisda sa bansa na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.
Ibig sabihin kasama na ang mga mangingisda sa mga senior citizen, solo parents, person with disabilities (PWD’s), 4P’s beneficiaries, minimum wage earners, ‘Walang Gutom’ benificiaries ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at magsasaka na benepisyaryo ng naturang programa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mas marami pa ring suporta ang natatanggap nila sa pagpapatupad ng programa kaysa sa mga pambabatikos.
Kaugnay ito ng iilan na hindi raw natuwa nang isama ng ahensya ang mga magsasaka sa magiging benepisyaryo ng benteng bigas.
Gayung sa loob lang daw ng isang araw halos 29 metric tons ang naibenta nila sa mga magsasaka mula pa lamang daw yan sa dalawang rehiyon.
Lumabas din daw sa datos ng Food Terminal Inc. na 70 tonelada ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) ang kanilang naibenta sa mga magsasaka at farm workers sa nakalipas na tatlong araw mula ng mailunsad ang programa para sa mga farmers.
Nanawagan ang DA na sa halip aniya na punahin ang programa na binigyang ng P10B na pondo sa 2026, mas kailangan daw nila ang suporta at pagkakaisa.
Sa ngayong tinatarget naman ng Kagawaran ng Agrikultura na palawigin pa ang benteng bigas program at ibenta rin sa fishing communities at fish ports sa buong bansa bago matapos ang August 2025.
Linggo linggo rin daw ipatutupad ng DA ang roll out ng programa sa bawat probinsya na may NFA depots hanggang sa katapusan naman ng 2026.