MGA NASIRANG ISTRUKTURA SA CEBU DULOT NG LINDOL, PINASUSURI NI DIZON SA LALONG MADALING PANAHON 

Cebu, Philippines – Iniutos na ni Public Works Secretary Vince Dizon ang mabilis na pagsusuri sa mga istruktura na nawasak dulot ng mapaminsalang lindol sa Cebu. 

Ayon kay Dizon, ang mabilis na pagsusuri sa mga istruktura katulad ng mga gusali, tulay, at kalsada ay mahalaga para matiyak ang kaligtasan ng publiko. 

Gayundin ang mabilis na paghahatid ng serbisyo at pangangailangan katulad ng pagkain, tubig, at gamot.

Aniya, sa oras na makuha nila ang resulta ng pagsusuri, agad na iuutos ang pagsasaayos nito nang sa gayon ay mapakinabangan ng publiko.

Inutusan na rin ang regional director na tawagan ang mga contractor na  nakabase sa Cebu para tumulong sa pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura. 

Sinabi niya na magtutulungan ang pribadong sektor at public sector para maisaayos.

Tiniyak din ni Dizon na sa kabila ng mga natamong pinsala ng mga imprastraktura, hindi pa naaantala ang paghahatid ng suporta sa mga biktima ng lindol.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this