Cebu, Philippines – Matapos ang isang linggong konstruksyon ng 45 modular shelter units (MSUs) sa San Remigio, Cebu bilang bahagi ng pagbuo sa Bayanihan Village, na magsisilbing pansamantalang tirahan ng mga biktima ng lindol.
Iniulat ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) kasabay ng Turnover nito sa LGU na maaari nang lipatan ng mga benepisyaryo nito ang nasabing modular home na mayroon ding supply ng kuryente.
Bawat modular shelter ay may sukat o lawak na 18sqm.
Isang taon na magiging tahanan ito ng mga biktima ng lindol habang binubuo naman ang magiging permanente nilang relocation sites.
Ang nasabing mga benepisyaryo ng modular home ay mga pamilyang wala na talagang babalikang tirahan dahil nilamon ng sinkhole, o kaya naman ay minarkahan na ang kanilang pinagtatayuang bahay na no build zone matapos ang lindol.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling na personal na ininspeksyon ang MSU, pinabilis nila ang pagpapagawa sa mga modular home katuwang ang DPWH, DSWD, DOLE, AFP, PNP, Coast Guard, Office of the Civil Defense, at mga private sector, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng komportable at ligtas na tahanan ang mga residente sa munisipalidad.
Ang Department of Social Welfare (DSWD) katuwang ang lokal na pamahaalan ang siyang mangangasiwa sa pagpapanatili ng kaayusan sa lugar kung saan nakatayo ang mga temporary shelter.
Samantala, una na ring binisita ni Pangulong Marcos ang Bayanihan Village kasama Si Cebu City Governor Pamela Pam Baricuatro at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Bukod sa nauna nang 45 modular shelter units na natapos na, 14 pa ang idaragdag sa mga ito.
Sinabi naman ng DHSUD na isusunod na nilang patatayuan ng 21 units ng modular home ang Daanbantayan, at Bogo.
Nakatakda rin patayuan ang Medellin at Tarragona sa Davao Oriental na matatandaang niyanig din ng magnitude 7.4 na lindol.
Tinawag naman daw na Bayanihan Village ang programa bilang ito ay whole-of-nation approach ng iba’t ibang ahensya at mga pribadong sektor.