Manila, Philippines – Pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Ito ang naging grounds ng ikalawang impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Nitong Miyerkules, ika-4 ng Disyembre, isinampa ng 75 complainants sa House secretary general’s office ang naturang reklamo, na kinabibilangan ng mga civil society groups, mga kabataan, marginalized, labor, peasant, environmental, student at rights organizations.
Inendorso ito ng mga mambabatas mula sa Makabayan Bloc na pinangunahan nina Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, ilang araw lamang magmula nang maisampa ang unang reklamo noong Lunes.
Nag-ugat ang reklamo sa alegasyon ng betrayal of public trust versus Duterte kaugnay ng isyu ng umano’y maanomalyang paglustay sa P612.5 million na confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education habang sya pa ng kalihim nito.
Sa isang press statement, iginiit ni dating Bayan Muna congressman at ngayo’y BAYAN chairperson Teddy Casiño na ang mga isyu tungkol sa pondong ito ay sapat nang batayan ng pagtataksil ni Duterte sa tiwala ng taumbayan.
Hindi katulad ng naunang reklamo na maraming grounds, isa lamang ang naging ground ng 2nd impeachment case na ito, dahil saklaw na rin naman anila nito ang iba pang isyu at alegasyon kay Duterte.
Ayon kay dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, ang isang ground para sa impeachment ay mas mapadadali at mapabibilis din ang proseso ng pagtalakay sa reklamo, na kaya aniyang matapos sa loob lamang ng isang buwan.