Manila, Philippines – Kaugnay pa rin ng inaasahang dagsa ng mga mananakay ngayong holiday season, pansamantalang papayagan ang pagdaan ng mga provincial buses sa EDSA.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), simula sa ika-20 ng Disyembre, papayagan ang mga provincial buses na makadaan sa EDSA sa limitadong oras.
Simula sa naturang araw, makakadaan dito ang mga pamprobinsyang bus mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Samantala, pagsapit naman ng ika-26 ng Disyembre hanggang ika-2 ng Enero, papayagan ang mga ito na makadaan sa EDSA 24 oras.
Saad ni MMDA Chairperson Rolando Artes, sa mga panahon na ito, magaan naman ang daloy ng trapiko kung kaya’t maaari silang makadaan sa EDSA anumang oras.
Sa panahon na ito, inaasahan ang 2,100 na mga pamprobinsyang bus na bi-biyahe para mapunan ang magiging dagsa ng mga pasahero ngayong kapaskuhan.