MGA RESIDENTE SA QC, LUMIKAS DAHIL SA TULOY-TULOY NA PAG-ULAN

Quezon City, Philippines – Mahigit 700 residente mula sa iba’t ibang barangay sa Quezon City ang lumikas patungo sa mga evacuation center upang matiyak ang kanilang kaligtasan. 

Lumikas ang 192 na residente ng Barangay Balingasa sa kanilang evacuation center dahil sa walang patid na buhos ng ulan dulot ng Habagat.

Aabot naman sa 274 na tao ang nanunuluyan sa BDRRMO Building ng Brgy. Doña Imelda, habang 79 naman ang nasa Bernardo Multipurpose sa Brgy. Kamuning.

Nasa 194 residente rin mula Brgy. Old Capitol Site ang lumikas patungo sa gymnasium ng kanilang barangay at Masaya Rillo Building.

Pinapayuhan ng QC Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) ang lahat na manatiling alerto at patuloy na magbantay para sa pinakabagong update sa panahon mula sa kanilang Facebook page at sa PAGASA.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang emergency response at pagbibigay ng tulong ng QCDRRMO, District Action Offices, at barangay officials. 

Habang nakaalerto naman ang QCDRRMO, Social Services Development Department (SSDD), QC Health Department (QCHD), at mga barangay upang masiguro ang kaligtasan ng mga evacuees. – Justin Fabian, Contributor 

Share this