Jolo, Sulu – Patuloy na pinalalakas ang kampanya para sa gun-free communities matapos ang sunod-sunod na boluntaryong pagsuko ng mga baril sa lalawigan ng Sulu.
Ayon sa Philippine Army, isinagawa ang mga handover noong April 6 at 7, 2026 sa ilalim ng programang Rido-Free, Gun-Free, Peace-Centered Communities (RFGFPCC).
Sa Panamao, isang caliber .45 pistol ang boluntaryong isinuko ng isang sibilyan sa tulong ng 21st Infantry Battalion.
Sa Tapul naman, isang M16A1 rifle ang isinuko sa koordinasyon ng 104th Infantry Battalion.
Habang sa Banguingui, isang M1 Garand rifle ang naisuko sa tulong ng pinagsanib na pwersa ng militar, pulisya, at Philippine Coast Guard.
Ayon kay Brigadier General Alaric Avelino P. Delos Santos, patunay ito ng tumataas na tiwala ng komunidad sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na armas.
Dagdag pa ni Major General Leonardo I. Peña, umabot na sa 103 iba’t ibang armas ang narekober sa Sulu mula January 2026.
Sa kabuuan, ipinapakita ng mga boluntaryong pagsuko ang aktibong partisipasyon ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.—Carlos Concha, Contributor