MINIMUM FARE SA PUJ INILABAS NA NG DOTr

Manila, Philippines – Inilabas na ng Department of Transportation (DOTr) ang bagong fare adjustment para sa mga public utility jeepney (PUJ) bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon sa ahensya, itatakda sa ₱14 ang minimum na pamasahe para sa mga traditional jeep para sa unang apat na kilometro, habang ₱2 naman ang idadagdag sa bawat susunod na kilometro.

Para naman sa mga modern jeep, magiging ₱17 ang pamasahe sa unang apat na kilometro at ₱2.40 ang karagdagang bayad sa bawat susunod na kilometro.

Ipinaliwanag ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza II na may dagdag na ₱0.20 sa bawat susunod na kilometro matapos ang unang apat na kilometro bilang bahagi ng fare adjustment.

Samantala, inanunsyo rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng minimum fare sa mga bus. Aakyat sa ₱15 ang pamasahe sa ordinary bus at ₱18 naman sa air-conditioned bus.

Ayon sa LTFRB, ang naturang fare hike ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Nakatakdang ipatupad ang mga bagong pamasahe sa Huwebes, Marso 19, 2026.

Share this