MMDA, METRO COUNCIL INILATAG ANG MGA ISTRATEHIYA PARA SA MABILIS NA PAGTUGON SA EMERGENCY

Manila, Philippines – Nakipagpalitan ng ideya, plano, at posibleng proyekto para sa mas maayos na pamamahala ng trapiko at pagbaha si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Usec. Nicolas D. Torre III kay San Juan City Mayor Francis Zamora sa isinagawang courtesy visit sa tanggapan ng alkalde.

Sa pagpupulong, inilahad ni Usec. Torre ang mga plano ng MMDA na mapabilis ang pagresponde sa mga insidente ng banggaan sa pangunahing lansangan ng Metro Manila upang maiwasan ang matinding trapikong dulot nito.

 Tinalakay rin niya ang mga hakbang na nakatuon sa regular na pag-alis ng basura sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig bilang bahagi ng paghahanda laban sa pagbaha sa Metro Manila.

Samantala, ibinahagi naman ni Mayor Zamora na wala na umanong street pay parking sa San Juan City, isang hakbang na nakatulong upang mas maging mabilis ang daloy ng trapiko sa mga lansangan ng lungsod.

Ipinahayag din ni Zamora ang magandang ugnayan sa pagitan ng Metro Manila Council (MMC) at ng MMDA. Bilang pangulo ng MMC, sinabi niyang bukas ang mga alkalde ng Metro Manila sa mas pinaigting na pakikipagtulungan sa MMDA para sa pagpapatupad ng mas marami pang proyekto at programang magpapabuti sa kalagayan ng buong Metro Manila.

Share this