NAITALANG KASO NG H5N2 BIRD FLU SA CAMNORTE, KONTROLADO NA AYON SA DA

Manila, Philippines – Kontrolado na ng Department of Agriculture (DA) ang Avian Influenza o H5N2 bird flu sa bansa na kauna-unahang naitala sa Talisay, Camarines Norte noong nakaraang taon.

Ayon sa kalihim ng kagawaran ipinapatay na ang mga hayop na nagpositibo sa naturang sakit upang hindi na tuluyang kumalat pa sa mga karatig nitong lugar.

Mismong si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang nagsabing wala na dapat ipangamba ang publiko sa bird flu na dumapo sa isang duck farm sa Talisay, Camarines Norte na nagsanhi ng outbreak doon.

Sabi ni Tiu, kakaunti lamang ang mga tinamaan nito at lahat ay ipinakatay na.

Wala na rin daw silang naitalang transmission ng H5N2 bird flu.

Gayunpaman, mahigpit pa rin daw silang nakabantay sa sakit, lalo na at naiulat naman ngayon sa Amerika ang kaso ng bird flu kung saan nakahawa na rin daw ito sa mga tao.

Matatandaan na noong nakaraang taon, kinumpirma ng World Health Organization (WHO) na may kauna-unahang kaso ng tao sa Mexico ang nasawi dahil sa H5N2 bird flu variant.

Samantala, tiniyak naman ng ahensya ang patuloy na biosecurity measures na kanilang ginagawa upang mapigilan ang pagkalat ng anumang sakit sa mga hayop.

Share this