NATIONWIDE INSPECTION SA MGA SANITARY LANDFILLS, IPINAG-UTOS NG DENR KASUNOD NG BINALIW LANDFILL INCIDENT SA CEBU

Manila, Philippines – Ipinag-utos na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kanilang mga regional offices na magsagawa ng agarang Nationwide inspection sa mga sanitary landfills sa buong bansa na operational, para tingan kung nakakasunod ang mga ito sa safety protocols at naipatutupad ang environmental compliance certificates (ECCs). 

Kasunod ito ng nangyaring pagguho ng Binaliw Landfill sa Cebu City na nag-iwan ng 36 na kataong nasawi at 18 sugatan.

Ayon kay DENR Secretary Raphael Lotilla, agad nilang aaksyunan ang nangyaring landfill landslide at titiyaking hindi na ito mauulit pa sa iba, lalo’t may mga buhay na nakataya.

Sa ngayon pansamantala raw muna nilang tutugunan ang mga basurang nakatambak sa Cebu matapos ang nangyaring pagguho. 

Bumuo na rin daw ang kanilang ahensya ng multi-sectoral investigation Committee na tututok sa mga posibleng pagkukulang at suliranin na kinaharap ng Binaliw Landfill kaya nangyari ang insidente.

Binigyang diin naman ng kalihim ang matagal na problema ng bansa pagdating sa solid waste management.

Hindi lang din daw dapat responsibilidad ng gobyerno ang mga basura kundi dapat ay nagsisimula rin ito sa bawat kabahayan.

Batay sa DENR as of Septemeber 2025, 373 sanitary landfills ang nag ooperate sa buong bansa na nasasakop ng mahigit sa 700 mga lokal na pamahalaan.

Matatandaan namang may mga bago nang itinalagang Regional Executive Director at Environmental Management Bureau (EMB) director sa Region 7 na titiyak na hindi na mauulit pa ang insidente. 

Gayunpaman ang pag-reshuffle ng mga opisyal sa Central Visayas ay hindi nangangahulugang may pananagutan ang mga ito, dahil kasalukuyan pa rin daw na gumugulong ang imbestigasyon sa pangyayari.

Share this