NATIONWIDE LIGTAS TIGDAS VACCINATION, SINIMULAN NA SA MINDANAO 

Manila, Philippines – Sinimulan na ng Department of Health (DOH) ang Phase 1 ng Nationwide Ligtas Tigdas Vaccination sa buong Mindanao na susundan kaagad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na magtatagal ng hanggang February 13 para sa mga batang edad anim na buwan hanggang limang taong gulang.

Bahagi ito ng Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity ng Kagawaran na layong bakunahan ang higit 11 milyong mga bata sa buong bansa na hindi pa bakunado at hindi pa kumpleto ang bakuna kontra tigdas.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa inilalapit na nila sa bawat lugar ang pagbabakuna sa mga bata upang maiiwas ang mga ito sa maagang pagkasawi.

Lalo na’t ang tigdas daw ay nakakamatay, ang isang bata rin  na may tigdas ay maaaring makahawa ng 16 pang bata na kung hindi maaagapan ay maaaring magsanhi ng kanilang pagkamatay. 

Batay sa pagtatala ng DOH, pinakamaraming kaso ng tigdas sa mga bata noong nakaraang taon ay nagmula sa National Capital Region (NCR) sinundan ng BARMM at CALABARZON.

Inuna raw nila ang bakunahan sa Mindanao at BARMM dahil may 2.8M pa na mga bata ang hindi bakunado dito.

Mula rin daw January 1, 2025 hanggang January 3, 2026 higit 2,000 kaso ng tigdas o katumbas ng 45%  ang naitala sa Mindanao.

Sa June naman sisimula na rin ang Phase 2 ng vaccination sa 5.6M na mga bata sa Visayas at 1.9M naman sa Luzon. 

Target naman na makamit ng DOH ang 95% Immunized rate sa mga bata. 

Inaalis naman ng Kagawaran ng Kalusugan sa mga magulang ang kanilang ga agam agam na may kumplikasyon ang pagbabakuna gaya ng mga nagkalat na fake news online.

Sabi ni Secretary Herbosa, ligtas at mabisa ang mga bakunang kanilang itinuturok at walang dapat ipangamba ang mga magulang. 

Share this