Navotas, Philippines – Kinumpirma ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pagsisimula ng konstruksyon ng bagong riverwall sa Aling Nena Road, Barangay San Jose, bilang kapalit ng bahagi ng pader na gumuho kamakailan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ito ay bahagi ng kanilang agarang hakbang upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente at maiwasan ang karagdagang pinsala sa lugar.
Bagama’t naaantala ang proyekto dahil sa epekto ng high tide at malalakas na pag-ulan, tiniyak ng contractor na ginagawa nila ang lahat upang mapabilis ang pagkumpleto ng riverwall.
Isinagawa rin ang isang pagpupulong sa pagitan ng mga kinatawan ng Navotas LGU, MMDA, DPWH NCR (sa pangunguna ni Director Gerald Fulgencio), DPWH Malabon-Navotas Office, at ang contractor ng proyekto.
Dumalo rin ang City Administrator, City Engineering Office, City Social Welfare and Development Office (CSWDO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), at ang mga kapitan ng Brgy. San Jose, Tanza 1, at Tanza 2 — ang mga pinakaapektadong barangay.
Target sana ng lokal na pamahalaan na matapos ang riverwall bago ang paparating na high tide sa Hulyo 9, ngunit hindi pumasa sa welding test ang ilang bahagi ng Navigational Gate na gawa ng original contractor ng DPWH NCR.
Bunsod nito, kumuha ang DPWH ng bagong welding team na may sertipikasyon at kaalaman sa ABS (American Bureau of Shipping) Standards — isang internasyonal na pamantayan sa welding para sa mga estrukturang nabababad sa tubig-dagat.
Ayon sa bagong team, tinatayang dalawang linggo ang kailangan upang matapos ang trabaho. Kinakailangan nilang isaalang-alang ang panahon, high tide, at low tide upang matiyak ang kalidad at tibay ng pagkakahinang.