SAN MIGUEL, BULACAN – Nakalutang sa ilog at wala ng buhay nang matagpuan ang isang batang lalaki sa Brgy. Tigpalas, San Miguel Bulacan.
Kinilala ang biktima na si Rodney de Leon, kilala sa tawag na “Juney”, 10-taong gulang, residente ng nasabing barangay.
Sa ulat ng San Miguel police kay PLTCOL Jacquiline Puapo, OIC Bulacan Police Director, pasado alas-2 ng tanghali noong ika-14 ng Hunyo nang naganap ang insidente sa ilog na sakop ng Sitio Apalit, Brgy. Tigpalas.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naliligo ang biktima kasama ang dalawa pang kalaro nang mapadpad ang bata sa malalim na bahagi ng ilog dahilan ng kanyang pagkalunod.
Namataan ng ilang residente ang palutang-lutang na bangkay sa Brgy. San Agustin, alas-8 ng umaga nitong Hunyo 15.
Kalaunan, kinumpirma ng pamilya na katawan ni Rodney ang natagpuan.
Ayon sa otoridad, natakot umano ang mga batang kalaro na sabihin sa mga magulang ni Juney na nalunod ito, rason para mapabalitang nawawala ito.