Manila, Philippines – Nagsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa ilang opisyal at indibidwal kaugnay ng umano’y pagproseso ng pekeng birth registration.
Ayon sa NBI Central Mindanao Regional Office, isinagawa ang imbestigasyon katuwang ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga Local Civil Registry Office sa Pikit at Aleosan, North Cotabato.
Nadiskubre sa imbestigasyon ang umano’y sabwatan ng ilang civil registry officials at isang retiradong registrar para makapagproseso ng late registration gamit ang pekeng dokumento.
Batay sa ulat ng PSA, mahigit 50,000 birth records sa higit 1,600 registry offices sa buong bansa ang posibleng may iregularidad.
Karamihan umano sa mga benepisyaryo ay mga dayuhan na nakakuha ng Filipino identity gamit ang mga pekeng papeles.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, mahalagang mapanagot ang mga sangkot dahil may epekto ito sa pambansang seguridad.
Mahaharap ang mga akusado sa kasong paglabag sa Civil Register Law, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct for Public Officials, at falsification of public documents.—Carlos Concha, Eurotv News