NDRRMC: 2.7M KATAO APEKTADO NG MASAMANG PANAHON; BILANG NG NASAWI UMAKYAT SA 12

Manila, Philippines — Umabot na sa mahigit 2.7 milyong katao ang naapektuhan ng sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat na pinalakas ng tatlong bagyong sina Crising, Dante, at Emong, ayon sa pinakabagong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Huwebes, July 24, 2025.

Ang bilang na 2,733,646 katao ay kabuuan ng naiulat na 765,869 pamilyang apektado mula sa 3,712 barangay sa buong rehiyon sa bansa na mga lumikas o kaya nanatili pa rin sa kanilang tahanan.

Samantala, mula sa 1,117 evacuation centers na nakahain mula sa iba’t ibang government units, umaabot sa 40,487 pamilya ang nananahan muna pansamantala, habang mahigit 23,800 pamilya na ang tumatanggap ng ayuda.

Iniulat din ng NDRRMC na umakyat na sa 12 ang bilang ng mga nasawi bunsod ng walang humpay na masamang panahon.

Dalawa na ang kumpirmadong nasawi sa rehiyon ng Northern Mindanao at Caraga. Gayunpaman, bineperibika pa rin ang 10 pang ulat ng pagkasawi mula sa mga rehiyon ng mga sumusunod: tatlo sa Calabarzon; parehong dalawa Northern Mindanao at Western Visayas; tig-isa sa Davao Region, Mimaropa, at NCR.

Samantala, sa pinakabagong ulat na walong nawawala, dalawa ang kumpirmadong galing sa rehiyon ng Western Visayas, habang ang natitira ay iniimbestigahan pa rin.

Patuloy naman binabantayan ng PAGASA sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sina Tropical Storm Dante at Bagyong Emong na ganap nang isang Typhoon, ayon sa pinakabagong monitoring as of 8:00 AM ngayon pa ring araw.

Share this