Manila Philippines — Nakalabas na ng Intensive Care Unit (ICU) ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na kabilang sa lubhang nasugatan matapos ang sunog na sumiklab sa isang building sa siyudad ng Kuwait.
Ayon sa pahayag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nai-release na ang isa sa dalawang Pinoy na nagtamo ng malubhang sugat dahil sa insidente.
“…one who was in ICU then transferred to a hospital ward has been released and is now in company accommodation,’ ayon kay Cacdac sa isang pahayag.
Ang isa pang OFW na nasa ICU ay nagpapakita raw ng pagbabago sa mga nakalipas na araw.
Kaya’t umaasa ang DMW na magiging mabilis ang kanyang paggaling.
BASAHIN: DALAWANG PINOY SA KUWAIT, NANANATILI SA ICU
“The other OFW who is still in ICU has shown signs of improvement and we hope and pray he is on the road to full recovery,” sabi pa ni Cacdac.
Nitong Lunes, napauwi na sa bansa ang mga labi ng tatlong OFW na nasawi dahil sa sunog sa Al-Mangaf sa Kuwait.
Ligtas naman ang nasa pitong OFW na napabilang sa mga nagtamo ng sugat bunsod ng insidente.
Sa ngayon, patuloy ang monitoring ng DMW sa OFW na nananatili sa ospital.
Una na ring tiniyak ng departamento at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang tulong pinansyal sa mga apektadong OFW.