Manila, Philippines — Maaaari lamang magresulta sa karagdagang kaso na kinahaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang mga ginagawang pag-atake online sa mga judge ng kaso.
Ito ang naging babala ni ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti sa mga lumalahok sa mga ganitong aktibidad online.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Conti na ang social media harassment laban sa mga ICC judge ay maaaring ituring bilang offense, at maaari lamang mapalala ang kaso ni Duterte.
“Posibleng makasama. Ako nga – makakasama kasi, una, sa public perception, ang itsurahan, ‘Ganito pala ang Pilipino, na kukuyugin iyong judge para lang kumbaga makakuha ng hustisya,” saad ni Conti.
Ang pahayag na ito ay bunsod ng mga umano’y harassment ng mga taga-suporta ng dating pangulo sa mga LinkedIn posts ng isa sa mga judge na may hawak ng kaso ni Duterte sa ICC.
Ang mga pag-atakeng ito, maaari aniyang ituring bilang pagtatangka na manghimasok sa kaso, isang offense against na administration of justice.
“Mayroon sinasabing offenses against the administration of justice o iyong parang kapag nag-interfere ka sa mga proseso, kapag nanakot ka, nag-intimidate ka ng huwes para gawin niya iyong trabaho niya improperly o hindi niya gawin iyong trabaho niya. Naku, iyan ay puwedeng tingnan na dagdag na kaso kay Presidente Duterte,” paliwanag nya.
Hindi rin aniya mapipigilan ng mga online harassment ang legal na proseso ng imbestigasyon ng ICC.
“Hindi po mapapalaya ng ganiyang strategy si Pangulong Duterte, hindi din niyan mapababa ang kaso o mapapa-dismiss ito eventually,” dagdag nya pa.