Manila, Philippines – Pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) na iprayoridad ang kapakanan ng mga komyuters sa mga desisyong gagawin ng ahensya.
Kabilang sa mga direktiba ng Pangulo ang pagpapabuti sa rehabilitasyon ng mga tren, gawing mas komportable ang biyahe at kung maaari ay gumawa ng mga reporma para hindi natatambakan ng pila ang mga pampublikong transportasyon.
Ipinahayag din ng Pangulo ang adhikain nitong dagdagan ang mga tren na bumabyahe gayunding ang mas mahabang oras na operasyon ng
Light Rail Transit (LRT) Line 1 at 2 at Metro Rail Transit (MRT-3).
Inaprubahan din ng Pangulo ang ipinanukala ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na pagpapalawig sa validity ng rehistro ng mga bagong sasakyan at motorsiklo hanggang limang taon mula sa dating tatlong taon lamang.
Sabi ng Pangulo layon nitong maging hassle free ang transaksyon para sas may-ari ng mga bagong sasakyan.
Iniulat naman ng kalihim kay Marcos na ngayong taon, maganda ang resulta ng ipinatutupad nilang cashless payment system sa MRT-3 habang pinaghahandaan na rin ang kaparehong hakbang sa LRT-1 at 2 bago matapos ang 2026.
Tuloy tuloy pa rin daw ang konstruksyon ng sa pasilidad ng MRT Quezon Avenue Station.
Sa 2027 naman target ang Partial operation sa North-South Commuter Railway sa bahagi ng Valenzuela hanggang Malolos.
Sa parehong taon din ang bahagyang pagbubukas ng MRT-7 na nag-uugnay naman sa Quezon City at Bulacan, habang sa 2028 ang Malolos-Clark extension.
2028 din nakatakdang simulan ang demo para sa partial operation ng Metro Manila Subway kung saan maipatutupad ang full operation nito sa 2032.