Manila, Philippines – Nagbabala si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na masisibak sa puwesto ang sinumang opisyal ng ahensiya na magiging dahilan ng pagkaantala sa pasahod ng mga Job Order (J.O.) employees.
Ginawa ni Dizon ang pahayag sa isinagawang flag ceremony ng ahensiya kaninang umaga, kasunod ng mga reklamong natatanggap ng kanyang tanggapan hinggil sa paulit-ulit na delay sa suweldo ng mga J.O. personnel.
Ayon sa kalihim, simula ngayon, dapat ay mailabas ang suweldo ng mga J.O. employees sa loob ng pitong (7) araw matapos ang cut-off period. Mahigpit ang paalala ni Dizon na hindi na dapat maulit ang anumang pagkakaantala.
Binigyang-diin niya na bahagi ng respeto at pagkilala sa serbisyo ng mga J.O. workers ang pagbibigay ng kanilang benepisyo sa tamang oras.