MANILA, PHILIPPINES – Binabantayan na ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang oversupply ng mga kamatis kasabay ng anihan ng mga magsasaka.
Kasunod yan ng napaulat na ilang mga probinsya sa bansa na mayroong sobra sobrang ani ang itinatapon na lamang ang kanilang mga kamatis dahil sa bagsak presyo nito.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary at Spokesperson Arnel De Mesa, ipinag-utos na ng kalihim ng kagawaran ang pagtulong sa mga magsasaka na may sobrang ani na dalhin na lamang ito sa Metro Manila na ilalagay naman sa mga Kadiwa store.
Sa ngayon daw nakikipag-ugnayan na ang DA sakanilang mga regional offices upang matukoy ang mga lugar na nakapagtala ng oversupply ng kamatis at mabigyan ito ng mga kinakailangang tulong.
Sinabi rin daw ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na lagyan ng mga cold storage facilty ang mga lugar na madalas makitaan ng oversupply upang matulungan ang mga magsasaka na maiimbak ang kanilang mga tanim, gayundin ang tamang post-harvest.
Base sa monitoring ng DA bumagsak na ang presyo ng mga kamatis sa P80/kg mula sa dating P200/kg noon lang nakaraang buwan.
Sa National Capital Region (NCR) naglalaro naman ang presyo nito sa P50/kg-P120/kg
Matatandaan na hindi lang ito ang unang beses na nakapagtala ang DA ng oversupply ng kamatis.
Sa nakalipas din kase ng mga taon ilang mga magsasaka na rin ang nagtatapon ng kanilang mga naaning kamatis sa mga bakanteng lote kung saan ang iba sakanila ay halos isang truck pa ang itinatapon.