Manila, Philippines – Maging mapanuri at huwag magpapaloko.
Ito ang naging paalala ng Office of the Vice President (OVP) sa publiko kaugnay ng mga kumakalat na fake news patungkol sa umano’y ipinamimigay na ayuda ng opisina.
Sa isang Facebook post idinaan ng OVP ang babala hinggil sa mga mensahe na nagpapanggap na magbibigay ng ayuda gamit ang pangalan ni Vice President Sara Duterte.
Hinihingi ng mga ganitong mensahe ang pangalan, tirahan, cellphone number, at iba pang impormasyon ng isang indibidwal–ang kapalit nito, P20,000 cash assistance umano mula sa OVP.
Ngunit depensa ng kampo, hindi sa kanila galing ang mga mensahe at na peke ang ipinapangako ritong ayuda.
Bago nito, nagbabala rin ang OVP nito lamang Lunes (August 11, 2025) laban sa isang social media promong P10K Ayuda Program.
Muling paglilinaw ng opisina, hindi nila ito programa, at lalong hindi ni VP Sara.
Kasunod nito, nanawagan ang OVP sa publiko na maging mapanuri sa mga mensaheng matatanggap, at maging maingat rin sa pagclick sa anumang kahina-hinalang links upang maiwasang mabiktima ng scam.
Sakali mang makatanggap din o mabiktima ng mga ganitong mensahe, hinihikayat din ng OVP ang publiko na ireport ito sa kanila o i-direkta sa mga awtoridad.-Mia Layaguin, Eurotv News