P200 WAGE HIKE BILL, BIGONG MAIPASA BAGO MATAPOS ANG 19TH CONGRESS

Nasaan ang Manggagawa sa ‘Bagong Pilipinas’?

‘Yan ang tanong ni Kamanggagawa Partylist Representative Eli San Fernando sa pangulo at sa Senado matapos bigong ma-ratify ang panukalang batas na nagtatakda ng dagdag na pasahod sa mga manggagawa.

Sa isang press release, binweltahan ni Fernando si Senate President Francis “Chiz” Escudero dahil sa kanya umanong mabagal na aksyon sa panukala.

Matatandaan na hindi na-ratify ang panukalang ₱200 wage hike matapos mabigong magkaisa ang Senado at Kamara sa bicameral version ng panukala bago nagsara ang ika-19 na Kongreso.

Ayon kay San Fernando, ito ay hindi lang simpleng delay—ito ay pagtataksil sa manggagawang Pilipino.

Giit niya na sa halip na ginhawa ay panibagong pasakit na naman ang dumating para sa mga manggagawa na humihiling ng taas-pasahod.

“Sa lahat ng drama at palabas ng mga nasa kapangyarihan, ang mga manggagawa na naman ang naiwan sa ere,” sabi ni San Fernando.

Sa kasalukuyan, ang minimum wage sa NCR ay nasa ₱645 kada araw. Ayon sa Ibon Foundation, kulang ito ng mahigit ₱600 para maabot ang tinatawag na family living wage na ₱1,161 para sa pamilyang may limang miyembro.

Giit ng mga labor groups, ang dagdag na ₱200 ay hindi luho kundi kailangang-kailangan.

Binatikos rin nya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hindi pag-certify sa wage hike bilang urgent bill—–isang hakbang na makapagpapabilis sana sa pagpapasa nito.

President Marcos had the opportunity to prove he was serious about improving the lives of workers. Instead, he stood back, silent. Just like before. His inaction speaks louder than any Labor Day speech or press release,” dagdag ni San Fernando.

Para sa Kamanggagawa, malinaw ang mensahe—ang Bagong Pilipinas ay lumang sistema pa rin, kung saan laging nauurong ang makataong panukala.

Samantala, para naman sa economic managers ng gobyerno, ang wage hike ay “delikado” at posibleng magdulot ng dagdag-inflation at pagsasara ng maliliit na negosyo.

Ngunit para kay San Fernando, ang pananaw na ito ay one-sided at bias.

They only looked at potential costs to business and completely disregarded the gains to labor productivity, household spending, and long-term economic growth. That’s not policy-making—that’s corporate lobbying dressed in jargon,” bwelta nya pa.

Sa kabila nito, nanindigan naman si San Fernando, na hindi pa rito nagtatapos ang laban ng mga manggagawa para sa sahod na nakabubuhay. — Freda Ordinado, Contributor

Share this