P2K HALAGA NG PETROLYO, MATITIPID SA PAGGAMIT NG BAGONG SOLAR IRRIGATION PUMPS SA PAMPANGA

Sa ilalim ng Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) sa Fiscal Year (FY) 2024, may bagong tayo nang mga solar-powered irrigation pump sa munisipalidad ng Guagua, Pampanga.

Ayon sa Department of Local Government (DILG) Central Luzon, maaaring makatipid ang magsasaka ng munisipalidad ng aabot sa Php 2,000 na petrolyo kada gamit nito sa irigasyon.

Isinagawa ang pagtatayo ng mga irrigation pumps na ito kasabay ng isang project inspection visit sa tatlong lugar sa bayan ng Guagua kung saan inilagay ang nasabing mga solar panels at pumps.

Ayon sa DILG Central Luzon, layon nitong maipakita ang potensyal ng renewable energy para mas mapagaan at mabawasan ang gastos ng mga magsasaka sa produksyon habang napananatiling may malinis na mapagkukunannng tubig para sa kanilang mga pananim.

Dagdag pa ng DILG-Central Luzon, ang proyektong ito ay nagsisilbing suporta ng lokal na pamahalaan sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng malinis at maayos na kagamitan para sa isang “climate-resilient” na pagsasaka.

Ayon pa sa lokal na pamahalaan, patunay rin daw ito na ang maayos na pamumuno ay direktang napapakinabangan ng mga magsasaka at ang nasasakupan nito.

“Guagua is paving the way for climate-resilient farming practices and demonstrating how good governance directly translates into tangible benefits for its constituents,” ani ng DILG Central Luzon sa kanilang Facebook post.

By: Shai Morales

Share this