Manila, Philippines – Magandang balita ang inihayag ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga kawani ng pamahalaang lungsod sa ginanap na flag-raising ceremony ngayong umaga. Kumpirmado ng alkalde na maipamamahagi na ngayong Nobyembre 17 ang year-end bonuses at cash gifts para sa mga empleyado ng City Hall.
Ayon kay Domagoso, inatasan niya si Atty. Paul Vega ng City Treasurer’s Office na ilabas ngayong hapon ang humigit-kumulang ₱317 milyon, na nakalaan para sa year-end bonuses. Tiniyak rin niyang kabilang sa ipapamahagi ang cash gift na “nagawa ng paraan” ng lokal na pamahalaan upang maibigay bago matapos ang taon.
Aminado ang alkalde na naging hamon ang pagtiyak ng pondo dahil dati aniya’y nasa “hand-to-mouth” status ang pananalapi ng lungsod. Gayunman, pinuri niya ang mga department head sa pagpapatupad ng mahigpit na disiplina sa paggastos, na nagbigay-daan upang matugunan ng LGU ang obligasyon nito sa mga kawani nang nasa tamang oras.
Hinimok din ni Domagoso ang mga empleyado ng City Hall na maghatid ng mahinahon at magiliw na serbisyo, lalo’t inaasahang mas marami pang residente ang dadagsa sa iba’t ibang tanggapan sa mga susunod na linggo.