Manila, Philippines – Pinalawig na ng Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT-3) ang pag-deploy ng tatlong four-car Dalian trains tuwing weekend, simula Sabado, Oktubre 18, bilang bahagi ng kanilang hakbang upang mapabuti ang serbisyo at kaginhawaan ng mga pasahero.
Ayon sa pahayag ng DOTr-MRT-3, ang paglalagay ng mga tren na may apat na bagon kahit sa mga araw ng Sabado at Linggo ay tugon sa layuning mapadali ang biyahe ng publiko.
Kasunod ito ng isinagawang pilot testing noong Biyernes para sa anim na four-car Dalian trains na bibiyahe tuwing umaga mula 7 a.m. hanggang 9 a.m., alinsunod sa utos ni Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez.
Dagdag pa ng ahensya, mas maraming pasahero ang kayang isakay ng four-car trains kumpara sa karaniwang three-car trains, kaya’t mas epektibo ito sa pagbawas ng pila at siksikan sa mga istasyon.
Unang inilunsad ang four-car Dalian train sa MRT-3 noong huling bahagi ng Agosto.
Matatandaang sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang buwan, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang layunin ng administrasyon na paganahin na ang matagal nang naka-istambay na Dalian trains na binili pa noong 2014.
Noong 2023, naiulat na hindi pa rin nagagamit ang 48 sets ng Dalian trains na binili ng gobyerno dahil sa mga isyu ng incompatibility o hindi pagkakatugma sa kasalukuyang sistema ng MRT-3.