MANILA,PHILIPPINES – Inanunsyo ng Meralco na magkakaroon ng malaking pagbaba sa singil sa kuryente sa paparating na June billing kasalungat ng unang napabalita na dagdag singil sa kuryente.
Ang power distributor na Manila Electric Company (Meralco) ay nagpapababa ng singil sa kuryente ng P1.9623 kada kilowatt-hour ngayong buwan sa halip na ang naunang inihayag na P0.6436 kada kWh na pagtaas.
Kasunod ito ng isang utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na i-stagger ang koleksyon ng mga singil na sumasaklaw sa mga pagbili mula sa wholesale electricity spot market (WESM) sa apat na pantay na buwanang installment hanggang Setyembre.
Ang pinakahuling adjustment ay nagdala sa kabuuang rate ng kuryente ng Meralco sa P9.4516 kada kWh noong Hunyo mula sa nakaraang buwan na P11.4139 kada kWh.
Humingi naman ng pang-unawa ang Meralco sa mga customer nito sa delayed na electric bills ngayong Hunyo dahil kinailangan ipatupad ang utos ng ERC.
Pagtiyak pa ng Meralco na kanilang palalawigin ang due date sa pagbabayad ng electric bill.