Manila, Philippines – Sigurado na ang pagbibigay ng one-time Service Recognition Incentive (SRI) na nagkakahalaga ng PHP20,000 sa mga kuwalipikadong kawani ng gobyerno para sa fiscal year 2024.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Administrative Order (AO) No. 27 nitong Huwebes (Disyembre, 12, 2024).
Ayon sa AO, ang SRI ay ipagkakaloob sa mga personnel ng mga National Government Agencies (NGAs), kabilang ang mga guro sa pampublikong paaralan, mga tauhan ng militar at pulisya, bombero, jail personnel, at iba pang uniformed personnel tulad ng Philippine Coast Guard at Bureau of Corrections.
Kabilang sa mga kuwalipikado ang mga empleyadong nakapaglingkod ng hindi bababa sa apat na buwan nang tuloy-tuloy at maayos na serbisyo hanggang Nobyembre 30, 2024.
Ang mga nakapaglingkod nang mas mababa sa apat na buwan ay makatatanggap ng pro-rated SRI.
Maari ring magbigay ng SRI ang Senado, Kamara, hudikatura, Office of the Ombudsman, at mga constitutional office sa kanilang mga kawani, batay sa kanilang PS allotment, ngunit hindi rin lalampas sa PHP20,000 ang halaga.
Ang mga empleyado ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) ay maaari ding makatanggap ng SRI depende sa kakayahang pinansyal ng kanilang yunit.
Ang insentibo ay matatanggap simula Disyembre 20.