Manila, Philippines – Hindi sinang-ayunan ng Department of Transportation (DOTr) ang naging pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na plano nilang pahintulutan ang mga private cars na gumamit ng Edsa busway para sa carpooling.
Sa inilabas na pahayag ni Transportation Secretary Giovanni Lopez, sinabi nitong idinesenyo ang bahaging kalsada para lamang sa mga bus na araw araw nagsasakay ng mahigit sa 300,000 pasahero.
Ang planong pagpapapasok ng mga pribadong sasakayan sa Edsa bus lane sa pamamagitan ng carpooling ay magpapabagal lamang daw sa operasyon ng mga bus.
Bagama’t inirerespeto raw ng ahensya ang pagsisikap ni MMDA General Manager Nicolas Torre III na gumawa ng hakbang para maibsan ang nararanasang mabigat na traffic sa Metro Manila, sa tingin raw ng DOTr ay hindi ito ang pinaka-magandang solusyon.
Malinaw daw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat pabor sa mga komyuters ang pagbabago sa mga polisiya ng transportasyon at hindi dun kasama ang pagpapadami ng mga pribadong sasakyan.
Nagkakaisa namang nagpahayag ng pagsuporta ang Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association Nationwide Inc. (PASANG-MASDA) at iba pang transport group sa posisyon ng DOTr hinggil sa carpooling.
Sabi ng ALTODAP, magsasanhi lamang ang nasabing plano ng muling pagkakabuhol-buhol ng mga sasakayan, habang maisasantabi nito ang maganda ng Sistema sa Edsa busway.
Ipinaalala naman ng Pasang-Masda na one lane lang ang bus lane kaya’t magdudulot lang ito ng siksikan na posible lang makaapekto sa mas maraming pasahero na sumasakay sa mga pampasaherong bus.
Sinabi rin ng Asosasyon ng Provincial Operators na isaalang alang na lang ang mas madaming mga komyuters na maisasakay sa isang sasakyan kaysa sa kakaunti mga pasahero.