PAGKAPANALO NG BH PARTYLIST, OPISYAL NANG IPRINOKLAMA NG COMELEC

Manila, Philippines — Mag-i-isang buwan makalipas ang 2025 National and Local Elections, opisyal na ngayong naiproklama ang Bagong Henerasyon o BH Partylist bilang nanalong partido sa nakalipas na halalan.

Nitong Huwebes, pormal nang iginawad sa BH partylist ang proclamation, partikular na para kay Roberto Gerard L. Nazal Jr. bilang kinatawan ng partido sa Kongreso.

Sa nakalipas na halalan, isa ang BH partylist sa mga nanalong partido matapos makakuha ng 319,803 na boto.

Sa kabila nito, hindi kaagad naiproklama ang pagkapanalo ng partido dahil sa nakabinbing disqualification petition laban sa partido at mga nominees nito.

Matatandaan na nauna nang ibinasura ng Commission on Elections ang disqualification petition na inihain ni Russel Stanley Geronimo laban sa BH partylist, Bernadette Herrera, Nazal, at Maria Editha Tan Alcantara noong May 22 dahil sa procedural defect.

Ngunit nagsumite ng motion for reconsideration si Geronimo, na ngayo’y muling ibinasura ng Comelec en banc dahil sa lack of merit.

Sa inilabas na certificate of finality and entry judgement ng Comelec en banc, pinal na ang desisyon maliban na lamang kung mag-iisyu ng temporary restraining order ang Korte Suprema.

Dahil walang naging apela, opisyal nang naiproklama ang pagkapanalo ng nasabing partido.

Sa isang opisyal na pahayag, pinasalamatan ng BH partylist ang COMELEC para sa naging desisyon, maging sa kanilang mga taga-suporta na syang sentro ng kanilang laban.

“And with it – the voices of 319,803 Filipinos now echo through the halls of Congress. This piece of paper is more than parchment and print. It is the physical proof of a democratic promise fulfilled — that every vote counts, that every voice matters, and that truth, no matter how briefly delayed, will always find its way to light,” saad ng BH partylist sa isang pahayag.

Share this