MANILA PHILIPPINES — Kinakailangan na kontrolin ang populasyon ng mga ligaw na hayop o stray animals sa bansa katulad na lamang sa pagkontrol sa populasyon ng tao ayon kay Sen. Cynthia Villar.
Tulad ng tao, dumarami ang populasyon ng mga aso at pusang gala na kailangan umanong kontrolin, ayon kay Senator Cynthia Villar.
Binanggit ni Villar ang posibilidad na ipatupad ang “population control” para sa mga ligaw na hayop nang talakayin ng Senate committee on agriculture ang ilang panukala na naglalayong palakasin ang animal welfare law ng bansa.
Sa pamumuno ng pagdinig bilang pinuno ng panel, ang senador ay nagpahayag ng pagkabahala sa lumalaking populasyon ng mga ligaw na hayop na, aniya ay pangunahing panganib sa kalusugan ng tao, dahil sa pagkalat ng mga sakit tulad ng rabies, leptospirosis at iba pang mga parasites.
Binanggit din ng senador ang isang kamakailang ulat na nagsabing nasa 13 milyon ang bilang ng mga ligaw na aso at pusa.
Kaya naman aniya, sinimulan na nila ang isang libreng proyektong “Libreng Kapon at Ligate” para sa mga aso at pusa sa mga lungsod ng Las Piñas at Bacoor.
“Because there are plenty stray dogs around and I’m afraid that they will bite the people,” sabi ni Villar sa pagdinig.
Samantala, ayon naman kay Senator Grace Poe, dapat na magkaroon ng sapat na animal welfare programs ang bawat lugar sa komunidad, lalo na sa mga rural areas.
Mahigpit din na isinusulong ni Poe ang usaping tungkol sa karahasan sa mga hayop.
Dagdag pa nito, iminumungkahi niya ang pagbuo ng isang maayos na kawanihan para sa layuning ito na mabibigyan ng sapat na badyet at permanenteng tauhan.