Quezon City, Philippines – Nakapagtala ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) ng 103 na kaso ng leptospirosis kung saan 20 dito ang nasawi, base sa isang report nitong Hulyo 15.
Ayon sa QCESD, umabot sa 37% ang pagtaas ng kaso at 67% naman ang pagtaas sa bilang ng namamatay kumpara noong nakaraang taon.
Sa 103 na kaso, 49 sa mga pasyente ay dulot ng paglusong sa baha na pangunahing sanhi ng Leptospirosis.
Samantala, ang District 2 ng lungsod ang may pinakamaraming naitalang kaso, partikular na sa Barangay Commonwealth. 12 kaso at apat na patay ang naitala rito.
Pinakamababa naman ang naitala sa District 5 kung saan isa ang patay.
Samantala, ang huling biktima sa pinakabagong datos ay isang 71-anyos na lalaki na nakatira sa Barangay Bagong Silangan ng District 2 na pumanaw noong Hulyo 14 sa Diliman Doctors Hospital.
Patuloy naman ang pakikipagtulungan ng mga opisyal ng kalusugan dahil sa pagtaas ng kaso na naging sanhi ng mga pag ulan at pagbaha dulot ng bagyong Bising.
Gayundin, muling nagpaalala ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na iwasan ang pag lusong sa baha, magsuot ng protective gear, at magpakonsulta agad sa health center kung kinakailangan. – Carla Ronquillo, Contributor