Sa kabila ng naging tirada ni Senator Imee Marcos laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa paggamit ng illegal substance
Wala pang plano ang palasyo na panagutin ang senadora sa naging paratang nito, ayon sa palasyo.
Sa ginanap na rally ng religious group na Iglesia Ni Cristo, sinabi ni Senator Imee Marcos na matagal nang gumagamit ang pangulo kasama pa ang first lady ng illegal substance.
At ayon sa mga political analyst, pagpapakita ng destabilization ang naging paratang ng kapatid ng pangulo.
Giit ni Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro, nasa pagpapasya ng Department of Justice at Office of the Ombudsman kung magsasagawa ng imbestigasyon sa pahayag ng senador.
Binweltahan din ni USEC. Castro ang mga ka-alayado at tagasuporta ni Vice President Sara Duterte na nananawagan kay President Marcos na magresign na bilang pangulo.
Aniya, wala sa opsyon ng pangulo na iwanan ang kanyang posisyon.
Giit ni Castro, paraan lamang umano ng mga destabilizers para mailihis ang tunay na problema, nang sa gayon ay makaligtas umano ang mga tunay na sangkot.
Samantala, sumagot na rin ang anak ni Pangulong Marcos na si House Majority Leader Sandro Marcos sa mga paratang ni Senator Imee.
Mariin niyang sinabi na hindi asal ng isang tunay na kapatid ang mga paratang ng kanyang Tita.
Pahayag niya na masakit makita kung hanggang saan na nakarating ang senadora para paratangan ang kanyang ama, katulad na lamang umano ng pagsasabi ng mga kasinungalingan para mabuwag ang administrasyon.
Pinasinungalingan niya ang pahayag ng senadora laban sa kanyang ama at ina bilang kawalang basehan.
Sagot naman ni Imee, handa siyang magpa DNA test, kung kakasa rin ang first family sa Hair Follicle test.
Sa kabilang banda, muling binalikan ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang negatibong resulta ng drug test ni Pangulong Marcos noong 2021.
Aniya, pinatotohanan na ng mga opisyal ng ospital ng senado na negative sa paggamit ng illegal drugs ang pangulo.
“Boluntaryong nagpa-drug test si Pangulong Marcos sa St. Luke’s noong 2021 at malinaw na lumabas na negative sa cocaine. Pinatotohanan pa ito ng mga opisyal ng ospital sa Senado. Hindi ito palabas,” hayag ni Goitia.
Mariin din na sinabi ni Goitia na tanging malakas na ingay lamang ang mga paratang ni Senator Imee laban kay pangulong Marcos.
Hinamon niya kung tunay seryoso ang mga senadora sa kanyang mga tirada, dapat ay seryoso rin ang senadora sa paglalabas ng ebidensya. Sabi niya: “kung seryoso ang paratang, dapat seryoso rin ang ebidensya. Hindi puwedeng puro galit at drama ang ihain sa publiko.”
Sa kabilang banda, pahayag ng kabataan partylist sa sitwasyon ng pamilya Marcos, malinaw na halimbawa ang girian ng pamilya Marcos na hindi dapat umano ginagawang business ang pamamahala sa mga pampublikong opisina.
Panawagan pa rin ng grupo ang mahigpit na pagbabawal sa political dynasties.