Quezon City, Philippines — Higit tatlong linggo mula nang mangyari ang malagim na banggaan at trahedya sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) noong unang araw ng Mayo, pormal nang naghain ng kasong sibil ang pamilya ng mga nasawi mula sa aksidente, laban sa bus driver na sangkot dito, at sa bus company nito na Solid North Bus, o Pangasinan Solid North Transit.
Nitong Biyernes, personal na sinamahan ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon ang mga kaanak ng mga naging biktima ng aksidente upang maghain ng kaso upang mapanagot ang driver na nagmamaneho ng pampasaherong bus na sumalpok sa ibang mga sasakyan, maging sa bus company na may hawak dito.
Matatandaan na noong ika-1 ng Mayo, sinalpok ng isang bus ng Solid North Inc. ang apat na mga sasakyan malapit sa SCTEX toll plaza.
Ang tsuper ng bus, umaming nakatulog habang nagpapatakbo, dahilan ng overspeeding, na kalauna’y nag-resulta sa aksidente.
Tumanggi mang magpa-drug test noong una, nagnegatibo naman sa drug at alcohol test ang nasabing tsuper.
Sa nangyaring aksidente, sampu ang nasawi, apat sa mga ito ay mga bata, habang 37 naman ang sugatan.
Bukod sa mga kasong kinahaharap ngayon, panghabang-buhay na ring binawian ng lisensya ang naturang driver ng bus, habang nangako naman ang DOTr sa pamilya ng mga nasawi na maghahain ng kasong sibil laban sa kumpanya at pagmumultahin ito sa bisa ng third-party liability (TPL) insurance.
Ang pamilya ng nasawing miyembro ng Philippine Coast Gurad at asawa nito, sa Quezon city Hall of Justice nagsampa ng kasong sibil.
P50 milyon ang halaga ng danyos na hinihingi ng pamilya para sa pagkamatay ng mga biktima, maging para sa loss of income, moral at exemplary damages.
Samantala, sa isang korte naman sa Antipolo City anghain ng civil case ang pamilya ng iba pang mga nasawi mula sa aksidente. P80 milyon naman ang halaga ng danyos na hinihingi ng mga ito.
Bago nito, nauna nang pinatawan ng 30 araw na suspensyon ang Solid North Inc., habang isinailalim na rin sa mandatory drug tests ang iba pang mga driver at konduktor ng kumpanya matapos ang aksidente.