Quezon City, Philippines — Ngayong Miyerkules, ika-26 ng Marso, opisyal nang nagsimula ang panahon ng tag-init sa pilipinas, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa anunsyo ng PAGASA, opisyal nang nagtapos ang amihan sa maraming bahagi ng bansa, na hudyat ng pagsisimula ng panahon ng tag-init para sa Pilipinas.

Posible pa ring maramdaman ang mga paminsan-minsang epekto ng hanging amihan, partikular na sa extreme Northern Luzon, ngunit para sa ibang bahagi ng bansa, mas mangingibabaw na ang epekto ng High Pressure Area.
Magdadala ito ng maiinit na hangin na malaki ang magiging impluwensya sa mararanasang panahon sa bansa.
Sa gitna ng pagsisimula ng panahon ng tag-init, nagpaalala naman ang PAGASA sa publiko na maging maingat at handa rin para maiwasan ang masamang epekto sa kalusugan ng mainit na panahon.