Manila, Philippines — Sa mga nakalipas na linggo, naging talamak ang kabi-kabilang insidente ng road rage sa bansa—init ng ulo at alitan sa kalsada na nauwi sa bangayan, pisikalan, at pagkasawi ng ilan.
Kasunod nito, mensahe ngayon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Pilipino at mga motorista na mag-ingat at huwag maging kamote kapag nasa kalsada.
“’Wag maging kamote. masyado nang marami yan. Ang tatapang na natin lahat, siga lahat. Ano na ba ang kultura na ito, na pagiging siga sa daan. Saan ba natin nakuha ito? Ano na bang nangyayari sa atin at parang natural lang ang ganitong komprontasyon at karahasan?” sabi ni Marcos.
Sa kanyang BBM Vlog, muling nagpaalala si Marcos sa mga motorista na sumunod sa mga umiiral na batas-trapiko sa bansa at panatilihin ang disiplina upang maiwasan ang mga insidente ng road rage.
Isa sa mga naging pinaka-maingay na insidente ng road rage nitong nakaraan ay ang naging alitan sa kalsada sa Antipolo, na nauwi sa putukan at pagkasawi ng isa sa mga sangkot sa insidente.
Muli rin nyang ipinaalala na ang lisensya ay hindi free pass para makapanghamon ng away sa daan at na ito ay simbolo ng disiplina at pagiging responsableng motorista.
“Tayong lahat ay kailangang sumunod sa batas-trapiko. Kailangan ang disiplina para maging responsableng mga Pilipino sa lansangan. Ang lisensya sa pagmamaneho ay isang pribelehiyo at hindi ito karapatan. at bukod sa dunong sa pagmamaneho, ang lahat ay kailangang ayusin ang pag-uugali sa pagmamaneho at habaan ang pasensya,” dagdag ni PBBM.
Para naman aniya sa mga nasa paligid, panawagan ni PBBM na awatin ang anumang insidenteng nagsisimula pa lamang upang maiwasan ang mas malala pang pangyayari.
Aniya, ituring na dapat bilang tungkulin ng mga motorista at ng mga nasa kalsada ang panatilihin ang seguridad, kapayapaan, at kaligatasan sa daan para rin sa kani-kanilang mga kapakanan.
“Nauunawaan ko naman na kung minsan talaga nakakainit-ulo ang mga traffic at kung minsan ay napapasabay tayo sa daan sa mga hindi sumusunod sa batas-trapiko. Pasensya na lang, palampasin nyo na lang. Ano naman ang mawawala sa atin? One second, five seconds, 20 seconds? Pagbigyan na natin at huwag na nating patulan,” saad nya pa.