Manila, Philippines – Sa gitna ng laban ng administrasyon Marcos sa korapsyon binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Development 2025 na walang pondo ng taumbayan ang mauuwi sa wala.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pambansang pondo ay parehong moral at economic compass na laging nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ng bawat Pilipino.
Sa kaniyang talumpati, iginiit ni Pangulong Marcos na hindi niya pahihintulutan ang mga proyekto ng walang konkretong plano.
Maging ang pag-aaksaya at maling paggamit ng pondo ay hindi palalagpasin.
Sa ilalim ng administrasyong Marcos, makatatanggap ang Department of Education (DepEd) ng pinakamalaking alokasyon para sa Fiscal year 2026.
Pahayag ng Pangulo, naniniwala siyang malaki ang maidudulot ng maayos na sistema sa edukasyon sa pagkamit ng layunin ng administrasyon.
Partikular ang pagdami ng oportunidad na trabaho, maayos na sistema sa kalusugan, at pagpapaunlad ng ekonomiya.
Giit niya, malinaw ang layunin ng administrasyon: tiyakin na bawat bata sa Pilipinas ay may access sa de kalidad na edukasyon.
Bunsod nito, inutusan ni Pangulong Marcos ang ilang pangunahing tanggapan ng gobyerno bilisan ang pagpapatupad ng mahahalagang proyekto, katulad ng pagtatayo ng mga silid-aralan.
Giit niya na walang bata ang dapat magtiis sa mga makeshift classes.
Batay sa National Expenditure Program 2026, PHP 928.5 Billion ang inilaang pondo para sa DepEd.—Krizza Lopez, Eurotv News