PARUSA AT MULTA, IPAPATAW SA MGA MAPAPATUNAYANG NAG PRANK CALL SA PANGASINAN EMERGENCY HOTLINE 911 

Manila, Philippines – Muling nagbabala at nagpaalala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Pangasinan na may umiiral na ordinansa sakanilang lalawigan laban sa mga manloloko na tatawag sa kanilang emergency hotline 911.

Karampatang parusa at multa ang ipapataw sa mga ito, kasunod pa rin ng pagdami ng bilang ng prank calls na kanilang natatanggap na maaaring magdulot ng pagkaantala sa pagresponde sa totoong sakuna na itinatawag sa kanila.

Batay sa Provincial Ordinance o An Ordinance Prohibiting and Penalizing Prank Calls to the Pangasinan 911.

P1,000-P3,000 ang multa sa una hanggang pangatlong paglabag ang nag-aantay sa mga prank callers na magbabanta, manggagaya, manloloko, mag-uulat ng pekeng emergency, magbibitaw ng bastos na salita at paulit-ulit na tatawag sakanila na magsasanhi ng istorbo sa PDRRMO.

Makatatanggap din daw ang mga mapapatunayang violators ng warning na susundan ng educational home visit at papatawan na ng parusa na limang taong pagkakakulong o P40,000 multa kung hindi pa rin ito madadala.

Batay yan sa Presidential Decree No. 1727.

Noong nakaraang taon 21.45%  sa kabuuang bilang ng mga tawag na natanggap nila ay prank calls, mas mataas pa raw ang mga ito kaysa sa tunay na naitawag na emergency.

Napupuno rin daw ang kanilang system ng mga prank calls na hindi naman importante.

Samantala matatandaan na isang panukalang batas ang iminungkahi noon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kongreso para sa mas mabigat na parusa sa mga prank callers, matapos makatanggap din ang Nationwide Emergency Hotline 911 ng ahensya ng mataas na bilang ng pekeng mga tawag noong kalagitnaan ng 2025.

Share this