PASAPORTE NI RESIGNED REP. ZALDY CO, KANSELADO NA — PBBM

Manila, Philippines – Inutusan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Foreign Affairs at Philippine National Police na makipag-ugnayan na sa mga counterpart department sa ibang bansa para tiyaking hindi na makapagtatago si resigned Congressman Zaldy Co. 

Ito’y kasunod ng balita ni Pangulong Marcos na kinansela na ang pasaporte ni Co. 

Sa kabila nito, tinitingnang anggulo ng Department of Interior and Local Government na may iba pang pasaporte si Co at posibleng may ginagamit din na ibang pangalan. 

Naunang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na pinaghihinalaang nasa Portugal si Co gamit ang umano’y Portuguese passport na nakuha niya noong nakalipas na mga taon. 

Bukod sa US, pinaghihinalaang ding nasa Europe, Singapore, Spain, at Japan si Co. 

Lumabas si Zaldy Co ng Pilipinas noong July 19, 2025 para kanyang gamutan sa ibang bansa. 

Ngunit giit ng dating mambabatas, tumawag sa kanya si dating House Speaker Martin Romualdez para sabihing huwag nang bumalik pa ng Pilipinas.

Ayon naman sa US Customs and Border Protection, August 26, 2025 nang dumating si Co sa US gamit ang tourist visa, kung saan pinayagan siyang manatili hanggang February 25, 2026. 

Ngunit tumagal lang ito ng labing siyam na araw ng umalis ito sa US, at hindi nakatala kung saan ito nagpunta.—Krizza Lopez, Eurotv News 

Share this