PBBM, BIBISITA SA NAGA SA PEBRERO 21; MAKIKIPAGPULONG KAY MAYOR LENI UKOL SA “OPLAN KONTRA BAHA”

Manila, Philippines – Kinumpirma ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na bibisita si Pangulong Bongbong Marcos sa Naga City sa darating na Pebrero 21 upang makipagpulong kay Naga City Mayor Leni Robredo.

Ayon kay Castro, tatalakayin ng dalawang lider ang implementasyon ng “Oplan Kontra Baha” sa lungsod. Kaugnay nito, abala na umano ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa paglilinis ng mga kanal, estero, at ilog sa Naga City bilang bahagi ng paghahanda sa naturang pagbisita.

Samantala, nilinaw ng Malacañang na wala pang napag-uusapan hinggil sa posibleng alyansa para sa 2028 elections. Anila, masyado pang maaga upang talakayin ang usaping pulitikal dahil marami pang mahahalagang bagay ang dapat pagtuunan ng pansin.

Dagdag pa ng Palasyo, maaaring may iba pang mapag-usapan sa pagbisita ng Pangulo, ngunit wala pa silang ibinibigay na karagdagang detalye. Hinihikayat ang publiko na abangan na lamang ang mga susunod na anunsyo.

Matatandaang dalawang beses nang nagkatunggali sina Marcos at Robredo sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa. Noong 2016 vice presidential elections, nagwagi si Robredo laban kay Marcos. Muli silang nagharap sa 2022 presidential elections, kung saan nahalal naman si Marcos bilang Pangulo ng bansa.

Share this