PBBM, INAPRUBAHAN NA ANG 60-ARAW NA RICE IMPORTATION BAN SIMULA SEPTEMBER 1

Manila, Philippines – Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) na pansamantalang ipatigil ang pag-aangkat ng bigas mula sa ibang mga bansa.

Ito ay matapos ang naging anunsyo ng Presidential Communications Office (PCO), na 60-araw hindi tatanggap ang Pilipinas ng anumang bigas na binili mula sa labas ng bansa simula September 1 ngayong taon.

Ayon sa PCO ang desisyon ay nagmula sa Pangulo habang nasa 5-day State Visit ito sa India kasama ang ilan sakaniyang cabinet members kabilang na si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr.

Sabi ni Tiu, gagamitin nilang pagkakataon ang dalawang buwan na import freeze para suriin kung ano ang magiging epekto nito sa presyo ng mga palay maging sa malalaking pamilihan sa bansa.

Kung magiging maganda raw ang epekto nito sa farmgate prices gayundin sa kita ng mga magsasaka hindi na raw nila kakailanganin pang itaas ang taripa sa mga inaangkat na bigas.

Matatandaan na kasama rin sa iminumungkahi ng DA ang taasan ang rice tariff mula 15% ay nais ng ahensya na gawin itong 25% hanggang sa maging 35%.

Gayunpaman, hindi kasama sa inaprubahan ng Pangulo ang pagtaas sa taripa na hanggang ngayon ay inaantay pa rin ng DA.

Ang pansamantalang suspensyon sa pag-aangkat ng bigas ay naglalayon na direktang protektahan ang mga lokal na magsasaka sa paraang mas mabibigyan ng prayoridad ang kanilang inaaning palay na mag-susupply sa buong pangangailangan ng bansa.

Share this