Manila, Philippines – Sa kabila ng nagpapatuloy na insidente ng mga panggigipit ng Chinese Coast Guard (CCG) vessels sa mga vessels ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), nanindigan si Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. na hindi sagot dito ang pagpapadala ng Navy Warships sa naturang teritoryo.
Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na hindi magpapadala ang Pilipinas ng navy warships sa WPS dahil patataasin lamang nito ang tensyon, at na kahit kailan ay hindi nanguna ang Pilipinas sa pagpapalala ng anumang tensyon sa naturang teritoryo.
Wala rin aniya sa giyera ang Pilipinas kung kaya’t hindi kailangang magdeploy ng Philippine Navy Warships sa naturang mga katubigan.
Ito ang naging tugon nya sa panawagan ni PCG spokesperson to the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na magpadala ng Philippine Navy warships bilang reciprocal act sa naging pag-aligid ng isang People’s Liberation Army (PLA) Navy warship sa BRP Teresa Magbanua noong nakaraang linggo.
Sa pamamagitan ng deployment ng Philippine Navy warships, matatapatan aniya ng Pilipinas ang ginagawang ito ng China at mas maigigiit pa ang karapatan ng Pilipinas sa naturang teritoryo.
Sa kabila nito, malinaw ang posisyon ni Marcos tungkol sa usapin, at na ang pagpapadala ng warships ay maaaring makitta bilang provocative measure gayong wala namang intensyon ang Pilipinas na magkaroon ng tensyon.
Dagdag ng Pangulo, sa kabila ng tensyon, ipagpapatuloy pa rin ng Pilipinas ang mga misyon nito sa WPS.
Magpapatuloy lang aniya ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa kanilang mga resupplying missions para mga mangingisdang Pilipino, at magpapatuloy lang ang pagpoprotekta ng bansa sa territorial rights nito sa WPS.