Manila, Philippines — Kaugnay ng naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes, dinipensahan ni Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. ang naging papel ng Pilipinas sa naturang pag-aresto.
Sa press-briefing Martes ng gabi, makaraang makaalis ang chartered flight na magdadala sa dating pangulong Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa Netherlands, ipinaliwanag ni PBBM na dumaan sa legal na proseso ang pag-aresto sa dating pangulo at na ang Pilipinas ay may obligasyon sa sumunod sa Interpol.
“Interpol asked for help and we obliged because we have commitments to the Interpol which we have to fulfill,” saad ni PBBM.
Ang pahayag na ito ay sa gitna ng mga alegasyon na ilegal ang naging pag-aresto sa dating pangulo dahil sa wala naman na sa hurisdiksyon ng ICC ang Pilipinas at na nagsinungaling daw ang pangulo nang sinabi nito na hindi sya makikipagtulungan sa ICC kaugnay ng kaso ni Duterte.
Aniya, consistent ang Pilipinas na hindi tumutulong o nakiisa sa imbestigasyon ng ICC, kung kaya’t ang naging pag-aresto kay Duterte ay hindi dahil sa ICC, kundi dahil ito ay utos ng interpol na hindi maaaring hindian ng Pilipinas.
“Meron tayong contact sa kanila, natural, but not on an official level, we did not help them in anyway. The arrest that we did today was in compliance with our commitments to Interpol. It just so happens that that came from the ICC. But it’s not because it came from ICC, it’s because it came from Interpol,” paliwanag ni Marcos.
Dagdag nya, may responsibilidad ang Pilipinas sa Interpol, lalo pa at ito ang kasangga ng bansa pagdating sa paghuli sa mga Pilipinong pugante na nagtatago sa ibang bansa.
“Hindi natin mahindian ang Interpol kapag sinabi sa atin na “tulungan nyo kami kailangan namin kunin itong taong ito.” Dahil kung maalala ninyo lahat ng mga tumakas dito sa Pilipinas, gaya ni Alice Guo, gaya ni Arnie Teves, kung sino-sino pa gaya ng mga human trafficking victims in Myanmar, sino ang tumulong sa atin para makita ang mga kababayan na inaapi at ginagamit sa masamang paraan? Ang Interpol, ” dagdag nya pa.