Manila, Philippines – Nagbabala ang Presidential Communication Office sa mga indibidwal na nagpapakalat ng fake news tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PCO Acting Secretary Dave Gomez, nadetect ng Anti-Fake news desk ng pamahalaan ang biglaang pagdami ng fake news sa social media na target ang mismong kalusugan ni Pangulong Marcos.
Binigyang diin ng opisyal na may motibong guluhin o magdulot ng destabilisasyon sa gobyerno ang kumakalat na impormasyon.
Kinokolekta na aniya ng PCO ang mga post at comments na kanilang gagamitin sa pagsasampa ng kaso sa korte.
Sa oras aniya na matukoy na ng PCO ang mga pangalan at network ng troll farm na ito ay maghahain na ang tanggapan ng kaso sa susunod na linggo.
”Each one is a piece of evidence we can use in court. We will identify the perpetrators, trace their networks, and file the proper charges in court once the evidence is complete hopefully by next week,” hayag ni PCO Acting secretary Dave Gomez.
Giit ni Gomez, nananatiling nakatuon ang atensyon ng pangulo sa pagresolba ng problema sa langis at enerhiya. gayundin ang pagpapatibay ng ekonomiya ng bansa: ”The President remains laser-focused on one mission: solving our energy emergency and delivering real, tangible help to every Filipino family, improving their lives and strengthening our economy.”
Noong Miyerkules, sinabi na ni Pangulong Marcos na maayos ang kanyang kalusugan.
At iginiit na huwag seryosohin ang mga impormasyon na kumakalat sa social media.—Krizza Lopez, Eurotv News