Manila, Philippines — Sa Korte Suprema na ngayon dumulog ang Partido ng Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban) upang matugunan at maresolba ang kanilang mga apela kaugnay ng isyu sa resulta ng naging botohan sa nakalipas na Halalan 2025.
Mayroon nang ilang pagkakataon kung saan iginiit ni Vice President Sara Duterte na mayroon umanong naging pandaraya sa resulta ng nakaraang halalan at na mayroon pang iba pang PDP senatorial bets ang nanalo mula rito.
Nitong Lunes, ika-23 ng Hunyo, isinumite ni Atty. Israelito Torreon ang motion for leave to file supplemental petition for Mandamus sa Korte Suprema upang i-apela na magkaroon ng manual recount para sa mga senatorial votes sa nakaraang eleksyon.
Ito na ang naging hakbang ng grupo matapos umanong wala namang mangyari sa kanilang naunang petisyon na magkaroon ng traditional manual counting ng mga boto, at tanging ang dalawang voting mode sa ilalim ng Overseas Voting Act lamang ang kilalanin.
Batay sa bagong petisyon ng PDP, marami rin umanong mga paglabag ang Commission on Elections na batayan ng alegasyon ng kampo na mayroong anomalya sa naging halalan.
Kabilang na rito ang storage issues, reklamo sa Overseas voting, anomalya sa Automated Counting Machines, overvotes, ballot at receipt mismatch, at iba pa.
Sabi ng kampo, ang kanilang mosyon at petisyon ay upang linawin at siguruhin na naipatutupad ng tama ang batas kaugnay ng bilangan ng boto.
Kasunod nito, naniniwala naman ang Comelec na ang mga ganitong mosyon at hakbang ay parte ng proseso ng election.
Sabi ni Comelec Chairperson George Garcia, bukas ang komisyon para sa mga ganitong petisyon na makatutulong upang mapatunayan ang mandato ng electorate at maghihintay na lamang sila sa ngayon sa magiging aksyon ng Korte Suprema.