Manila, Philippines – Patuloy na iniinda ng mga nasa sektor ng transportasyon ang atras abanteng paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Bumungad sa buwan ng Agosto ang malakihang taas-presyo ng petrolyo na iniuugnay sa epekto ng taripang ipinataw ng Estados Unidos sa mga bansang pinagkukunan ng suplay ng langis sa global na merkado.
At upang maibsan ang dala nitong pasakit para sa mga motorista partikular na sa mga pampasaherong sasakyan, apela ngayon ng mga transport groups–taas-pasahe sa mga pampublikong dyip.
Nitong ika-11 ng Agosto, naghain ang mga grupong PASANG MASDA, ALTODAP, at ACTO ng petisyong P1 provisional fare-increase para sa traditional at modern PUJs.
Ayon kay pasang Masda President Obet Martin, hindi naman natutumbasan ng mga katiting na rollback ang mas madalas at mas mataas namang taas-presyo sa petrolyo.
Giit nya, sa petrolyo pa lamang ay lugi at talo na ang mga jeepney drivers at operatos.
Kabilang sa kanilang petisyon na gawin nang permanente ang P1 provisional fare hike na ipinatupad noong 2023, gayundin ang paggrant ng dagdag na P2 provisional increase sa base fare ng mga PUJs.
Ang petisyong ito, pinag-aaralan na ngayon ng Land Transportation Frnachising and Regulatory Board.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, kinakailangan nilang busisiing mabuti ang petisyon upang masiguro na magiging patas at reasonable ang magiging epekto sakaling maipapatupad ang taas-pasahe sa mga jeep.
“Our goal is to balance the needs of the riding public and the sustainability of public transport operations. We will listen to all sides before making a decision. This is part of our mandate to ensure transparent and participatory fare-setting.” ani LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III.
Siniguro naman ng LTFRB na dadaan sa due process, gaya ng hearings at public consultations, ang kanilang magiging pagpapasya para sa panukalang taas-pasahe sa mga jeep. –Mia Layaguin, Eurotv News